Sunday, October 02, 2005

Parke

*dito sa parkeng ito natin pinagsaluhan ang mga alaala ng aking kabataan*
*dito sa parkeng ito mo nakita ang aking pagbabago*
*dito sa parkeng ito mo ako iniwan*

galing ako kanina sa parke kung saan madalas tayong magkita noong ako'y bata pa.

Bitbit ko ang aking bag na may lamang wallet na walang pera, cellphone na walang load, at ipod na walang battery. Siguro ay sinadya ng tadhana na alisin lahat ng makamundong bagay upang mas lalo kitang mapagtuunan ng pansin... upang mas lalo kong masariwa ang iyong alaala.

Ang tagal ko na rin palang di napupunta sa parke ano? Ganun na nga ata talaga ang panahon, mabilis at nakakaliyo. Parang kailan lang, kay dalas kong tumakbo at maglaro rito kasama ka. Ngayon, ibang klaseng pagtakbo at paglalaro na ang ginagawa ko. Yung mas nakakapagod, mas nakakalungkot. Mas masarap talagang makipaglaro sa iyo kaysa sa mundo.

Naalala ko pa noon, dinadalhan kita ng pagkain. Minsan chicharon, minsan softdrinks, madalas tinapay. Masaya talaga kapag nagpipiknik kasama ka. Habang kumakain, madalas akong humiga sa tabi mo, kontento lang na nakahilig sa malamig na bato.

**********

Umihip ang malakas na hangin, pinutol ang aking pananariwa ng kahapon. tumingin ako sa paligid, mag-isa lang pala ako. Tumingin ako sa mga damong tumutubo, mamasa- masa pa dulot ng pagulan ng nagdaan gabi. Tumalungko ako at nagsimulang pulutin ang mga tuyong dahon na nahulog mula sa punong itinanim pa ni papa.

Nagsimula na namang tumulo ang luha sa likod ng itim na salamin aking suot. Masakit pa rin pala hanggang ngayon. Kahit ang tagal tagal mo nang nilisan ang buhay ko, nararamdaman ko pa rin ang kawalan at alam kong kahit kailan, di na ito mawawala.

Alam mo bang kahit kay tagal na ng huli mong yakap at paghalik sa akin, naalala ko pa rin sha na parang kahapon lamang ito naganap? Nararamdaman ko pa rin ang banayad na paghaplos mo sa aking buhok, ang matamis na pagdampi ng iyong labi sa aking mukha. Kung nandito ka pa rin sana sa buhay ko, ano kayang mangyayari sa akin? Ibang tao siguro ako. Hindi mas mabuti, hindi mas masama... Iba lang.

Umihip na naman ang malakas na hangin. Bakit ganun? kay init naman ng araw? Siguro ay kailangan ko na ring umuwi. Ngunit bago ko gawin yun, kumuha muna ulit ako ng isang alaala mo.

**********

Paalis na ako lulan ng aming sasakyan. Lumingon uli ako sa huling pagkakataon upang magsambit ng aking pamamaalam. Sa susunod uli. Sana ay masaya ka....

Image hosted by Photobucket.com

Mama, namimiss pa rin kita. Sana ay maligaya kang nakatunghay sa aming paglaki. Ang aking tagumpay ay inaalay ko pa rin sa iyo. Mahal kita. Iduyan mong muli ako.


*tara at samahan mo akong tumakbo palayo sa mundong ito*

2 comments:

Legally Blunt said...

ang bigat ng pakiramdam pagkatapos basahin. lahat tayo may kawalan na kelangan natin dalhin hanggang matapos lahat...

Anonymous said...

i was searching the web about the experiences of mountaineers who had hiked mt makiling peak 2 through UPLB trail when i suddenly stumbled upon your site [it was one of the search results of my yahoo query].

i do not know you personally but this article caught my attention so i decided to read this post...
maganda ang pagkakasulat mo.
i understand the pain of losing someone though in my case, it wasnt my mom.

cry it out if you must,
hangga't masakit, iiyak mo.
ganun lang talaga ang buhay, masyadong komplikado dahil sa kasimplehan nito.

just me,
sheila marie flores